MANILA, Philippines - Nakatakdang parangalan ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang isang tauhan ng Caloocan City Police Station makaraang makipagbarilan at mapaslang ang dalawang holdaper na sumalakay sa isang gasolinahan sa Quezon City kamakailan.
Inatasan na ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang Sangguniang Panglungsod para magpasa ng resolusyon bilang pagkilala sa kabayanihan ni PO2 Cesar Tolentino, nakatalaga sa Station Investigation Division ng Caloocan Police.
Sa ulat, nagpapakarga ng gasolina sa Orange Fuel Gas Station sa may Quirino Avenue, Quezon City ni Tolentino ang kanyang motorsiklo noong gabi ng Setyembre 28 (Linggo) nang bulungan siya ng gasoline boy na hinoholdap sila ng dalawang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Kahit na off-duty at nag-iisa, agad na rumesponde si Tolentino sa tawag ng tungkulin. Pasimpleng lumapit ito sa may teller at sinabihan ang dalawang holdaper na sumuko habang nakatutok ang kanyang baril at magpakilala na pulis.
Nagmamadali namang sumakay sa kanilang motorsiklo ang mga suspek habang nagpaputok ang nakaangkas at masuwerteng hindi tinamaan ang pulis. Dito gumanti ng putok si Tolentino sanhi ng pagbulagta at pagkasawi ng mga holdaper.
Bukod sa komendasyon, plano ring biyayaan ng “cash reward” ni Malapitan si Tolentino na dapat umanong gayahin ng mga kabaro nitong pulis na hindi inaalintana ang sariling kaligtasan sa pagtupad sa tungkulin.
Nakatakdang ibigay ang parangal at pabuya kay Tolentino sa gaganaping “flag-raising ceremony” sa tapat ng Caloocan City Hall sa Oktubre 13.