Pagkuwestiyon sa paggiba sa Admiral hotel, pamumulitika – Erap
MANILA, Philippines - Pamumulitika lamang ang pagkuwestiyon sa ginawang demolisyon sa Admiral Hotel.
Ito naman ang nakikita ni Manila Mayor Joseph Estrada sa kabila ng pagiging legal ng pagbebenta ng Lopez-Araneta family sa developer na Anchorland.
Sa pagbisita ni Estrada sa ginanap na session sa konseho ng Maynila, sinabi nito na hindi niya alam ang motibo ni Historical Conservation Society of the Philippine (HCSP) President Ivan Henares kung bakit pinipilit na may historical value ang nasabing hotel samantalan mismong ang National Historical Commission ang nagsabi na wala naman itong significance.
Naniniwala si Estrada na may pulitikong nasa likod nito na pilit na ginigiba ang mga programa at plano niyang maibangon mula sa pagkakautang ang lungsod ng Maynila.
Aniya, posibleng threat ang tingin sa kanya ng kanyang mga kalaban upang maisalba ang kanilang political career.
Sa ngayon aniya ay pinagtutuunan niya ng pansin ang pagbabayad sa mga utang ng city government gayundin ang pagbibigay ng benepisyo sa mga empleyado.
Apela ni Estrada sa kanyang mga bumabatikos sa kanya, malayo pa ang 2016 at makabubuti kung pagtutuunan ng pansin ang kapakanan ng bansa.
- Latest