MANILA, Philippines - Ikinasa ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang pinaigting na kampanya laban sa mga pedicab na iligal na bumibiyahe at sanhi ng pagbubuhol ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa lungsod.
Sa ulat ni Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) chief, Larry Castro kay Caloocan Mayor Oscar Malapitan, nasa 18 pedicab ang kanilang na-impound sa Caloocan South dahil sa pagiging sanhi ng matinding buhol na trapiko.
Mahigpit umanong ipinagbabawal ang mga pedicab na bumagtas sa: EDSA, MacArthur highway, Rizal Avenue, C3 Road, Samson Road, Mabini Street at iba pang national roads.
Dahil dito, ipinag-utos rin ni Mayor Malapitan sa lahat ng “law enforcement offices” sa lungsod na magsagawa ng operasyon laban sa mga pedicab maging ang Caloocan City Police.
Sinabi naman ni Castro na napansin nila ang biglaang pagluwag ng daloy ng trapiko sa mga naturang lansangan makaraan ang inisyal na operasyon laban sa pedicabs. Sinabi nito na tinatayang nasa 170 pedicab ang bumibiyahe sa Caloocan South na maaaring huminto muna ng biyahe matapos ang operasyon ngunit dapat pa rin nilang bantayan.
Nagiging malubha ang daloy ng trapiko sa lungsod dahil sa paliko-liko at “counter flowing” sa mga kalsada. Kapag nahuhuli naman, magbabayad lang ang operator ng P500 multa at balik biyahe na naman.
Sa kabila nito, sinabi ni Malapitan na hindi na kailangan na magtaas ng multa sa mga pedicab habang mas importante ang mas maigting na kampanya at pagbabantay laban sa mga lumalabag.