MANILA, Philippines - Dahilan sa sobrang selos, napatay sa saksak ng isang lalaki ang kanyang live-in partner sa loob ng kanilang kuwarto sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ni PO2 Louie Serbito, nakilala ang nasawi na si Aikie Ramento, 20, service crew ng isang fastfood chain sanhi ng mga saksak sa kanyang katawan.
Ginagamot naman sa ospital ang suspect na si Edmar Tangonan, 22, na sugatan din matapos na magsaksak sa sarili, ayon kay Serbito.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa tinutuluyan ng dalawa sa Campbridge St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Ayon kay Aling Marilyn, nanay ng biktima, natutulog siya sa sala ng kanilang bahay nang marinig niya ang malakas na sigaw at paghingi ng saklolo ng kanyang anak sa loob ng kuwarto.
Dahil dito, agad na pinuntahan ni Aling Marilyn ang kuwarto kung saan niya nakita ang suspek na pinagsasaksak ang kanyang anak.
Agad na sumaklolo si Aling Marilyn sa kanyang anak at niyakap ang suspek para pigilan ito.
Ang biktima kahit sugatan ay tinangka pang tumakas pero pagsapit sa pinto ng kuwarto ay bumuwal din ito.
Humingi naman ng saklolo si Aling Marilyn sa kapitbahay at itinakbo ang biktima sa Labor hospital pero idineklara rin itong dead-on-arrival.
Ang suspek dahil may sugat din sa katawan ay dinala din sa nasabing ospital kung saan ito nakaratay.
Sabi ng pulisya, selos ang ugat sa pananaksak ng suspek sa biktima dahil nagdududa umano ang una na may kinalolokohan ibang lalaki ang huli.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.