MANILA, Philippines – Patay ang isang sinasabing ‘tulak’ nang barilin sa dibdib ng isang lalaki na naniningil umano ng hindi nai-remit na P3,000 ng una sa kinuhang iligal na droga sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Francisco Allita, 33, ng Matiisin St., Tondo, Maynila.
Hinahanting na ng mga awtoridad ang suspek na si Winefredo Vegas, alyas Emcee, na naglakad lamang papalayo sa lugar matapos barilin ang suspek na tinamaan sa dibdib.
Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang pamamaril dakong alas-8:40 ng gabi sa panulukan ng Mabuhay at Matiisin Sts.,Tondo, Maynila.
Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktima subalit namatay din dakong ala-1:00 ng madaling-araw. Sinabi ni Mary Ann Santosidad, live-in partner ng biktima, nagsisigawan ang suspek at ang kanyang asawa dahil sa hindi pag-remit ng drug money na nagkakahalaga ng P3,000 hanggang sa bumunot ng baril ang suspect at paputukan ang biktima.
Kaswal na umalis lamang ang suspek habang ang misis ng biktima ang nagdala sa pagamutan kung saan ito tuluyang binawian ng buhay.