MANILA, Philippines – Pinahayag kahapon ni Metropolitan Manila Develoment Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino na walang magiging problema sa kanya hinggil sa panukalang palitan ang naturang ahensiya para sa pagbuo ng bagong Metropolitan Manila Regional Administration (MMRA).
Sinabi nito, kung ano aniya ang makakabuti para sa maayos na pagpapatakbo sa Metro Manila ay walang dahilan upang tutulan niya ito.
Ayon kay Tolentino, maganda umano ang layunin ng panukala dahil pagpapakita ito na ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ang posibleng problemang kakaharapin sa Metro Manila.
Sinabi pa ng MMDA chairman, pagpapakita lamang ito na ang lahat ng ahensiya ng gobyerno ay kumikilos upang tugunan ang mga problemang kinakaharap ng Kalakhang Maynila kabilang na dito ang pagbaha, trapik basura at iba pa.
Matatandaang, ipinanukala ni Caloocan Congressman Edgar Erice ang pagbuo ng MMRA, na hindi lamang ito pagkakalooban ng administrative at coordinative powers tulad ng kapangyarihan taglay ngayong ng MMDA, kundi maging police powers ay pagkakalooban din ito, na sa ngayon ay wala ang MMDA.