MANILA, Philippines – Mas pinaigting ngayon ng Valenzuela City Police ang koordinasyon sa mga mall securities makaraang madakip ang isang hinihinalang ‘tulak’ na nagtangkang magpasok ng iligal na droga at baril sa loob ng isang mall, kamakalawa sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief Senior Supt. Rhoderick Armamento ang naarestong suspek na si Isagani Villarin, residente ng San Francisco St., Brgy. Karuhatan, ng naturang lungsod.
Sa ulat, dakong alas-6:45 ng gabi ng nagtangkang pumasok sa isang mall sa may MacArthur Highway, Brgy. Karuhatan ang suspek na si Villarin.
Nasita ang suspek ng security officer na si Maricel Alvena nang mapansin na may dala itong baril.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 9 na nakadetalye sa bisinidad ng mall sanhi upang tuluyang masakote ang suspek.
Nakuha sa posesyon ng suspek ang dalawang plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu at isang kalibre .38 na may limang bala.
Hinala ng pulisya, posibleng ginagamit ng suspek ang naturang mall sa iligal na gawain.
Mas pinaigting naman ngayon ang kooperasyon ng pulisya at pamunuan ng naturang mall para sa mas mahigpit na seguridad, ayon kay Armamento.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunitions.