MANILA, Philippines - Nagsilbing susi ang closed-circuit television (CCTV) kaya naaresto ang dalawang snatcher matapos hablutin ang mamahaling cellphone ng isang estudyante sa Barangay Laging Handa, Scout Tobias, Quezon City noong nakalipas na linggo.
Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong ang mga suspek na sina John Ralfh de Guzman at Gilbert Pazcoguin.
Bandang alas-11 ng tanghali kamakalawa nang arestuhin ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang mga suspect sa pinagtataguan sa Barangay De la Paz, Antipolo City, Rizal matapos ang halos isang linggong pagsusuri sa CCTV camera sa crime scene.
Ayon kay Magalong ang mga suspect ang nakunan ng CCTV na nang-agaw ng IPhone 4s cellphone ng biktimang itinago sa pangalang Girlie, Grade 9 student ng Immaculate Concepcion Cathedral School sa Quezon City noong Setyembre 22, 2014.
Napag-alamang nakikipag-usap ang biktima sa tatlo nitong kaibigang babae sa bisinidad ng Scout Lozano malapit sa Scout Tobias nang bumaba sa motorsiklo ang backrider saka biglang hinablot ang cellphone ng biktima.
Ayon kay Magalong matapos mapanood ang insidente sa telebisyon sa kuha ng CCTV ay agad na inilatag ang operasyon ng PNP-CIDG operatives na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.
Nasamsam sa mga suspect ang motorcycle (ZM 4752) na ginagamit sa modus operandi.