MANILA, Philippines - Binibigyan ng pagkakataon ng Bureau of Immigration simula sa Miyerkules ang may 1.3 milyon dayuhan sa bansa na magparehistro upang maiwasan na ma-deport.
Ang pahayag ay ginawa ni Immigration Commissioner Siegfred Mison matapos na malamang 200,000 lamang sa 1.5 milyong dayuhan sa bansa ang nakarehistro at legal sa BI.
Sinabi ni Mison na simula sa Oktubre 1, sinumang dayuhan na mahigit na sa 59 araw na nasa bansa ay kailangan na magparehistro sa BI.
Batay sa bagong programa ng BI’s alien registration, bibigyan ang lahat ng mga overstaying foreigners sa bansa ng isang taon upang magparehistro.
Maaaring magparehistro ang mga dayuhan sa may 43 immigration satellite offices sa bansa.
Tiniyak din ni Mison na kanilang tutulungan ang mga dayuhan na may problema sa kanilang visa status subalit kailangan ng mga ito na makipag-ugnayan ng personal sa BI.
Nilinaw din ni Mison na hindi nila gustong gawin ang deportation subalit kailangan din umanong sundin ng mga dayuhan ang Philippine immigration law.