MANILA, Philippines - Mas pinili ng isang mister na takasan na lamang ang hirap at responsibilidad sa kanyang pamilya makaraang magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Isinugod pa sa San Lorenzo Ruiz Hospital ngunit idineklara nang patay ang biktimang si Richard Ramos, 34, ng MH Del Pilar St., Santolan, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 kamakalawa ng gabi nang madiskubre ng kanyang anak na si Charlene ang nakabigting si Ramos sa loob ng kanilang bahay. Gumamit si Ramos ng kable ng telepono sa pagbibigti.
Agad namang humingi ng tulong sa mga kapitbahay si Charlene upang makalag ang kable sa pagkakatali at isinugod ang ama sa pagamutan.
Nakuha naman sa kuwarto ang isang suicide note na nakasulat sa laptop computer na humihingi ng kapatawaran si Ramos sa pamilya at nagawa lamang umano niya ito dahil sa kakapusan ng kanilang pamilya sa pera. Inilabas din nito ang hinaing sa mga kaanak ng kanyang asawa dahil sa hindi umano pagtulong sa kanila.
Bineberepika naman ng pulisya kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.