MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis matapos itong barilin ng isa sa apat na hindi kilalang suspek habang ang una ay nakikipag-usap sa cellphone sa loob ng covered court sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si SPO2 Joel Fernandez, 40, nakatalaga sa Intelligence Division ng Malabon City Police at naninirahan sa Gen. Luna St., Brgy. Ibaba ng nasabing lungsod. Base sa imbestigasyon ni PO3 Rommel Habig, ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-3:30 ng hapon sa loob ng basketball court na matatagpuan sa 2nd St., Disyerto, Brgy. Tañong ng naturang lungsod.
Nabatid na kasalukuyang naglalaro ng basketball ang biktima sa naturang lugar nang mapagod ito at magpapalit sa kanyang kaibigan at habang may kausap ito sa cellphone nang mapansin ang apat na suspek na umaaligid sa labas ng covered court.
Isa sa mga suspek ang biglang sumigaw ng “Dapat walang titingin” at mabilis na pinaulanan ng bala ang biktima bago mabilis na nagsitakas habang naiwang walang buhay si Fernandez. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. (Lordeth Bonilla)