MANILA, Philippines - Nasamsam ng pulisya ang bulto-bultong pinatuyong dahon ng marijuana na aabot sa halagang P6 milyon buhat sa dalawang tulak sa ikinasang buy-bust operation, kamakalawa ng umaga sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Ariel Arcinas ang mga nadakip na sina Junel Rugon, 18, ng Zapote Road, Brgy. 174; at si Aiza Manilag, 23, Block 17 Lot 12 Rose Street, Brgy. 172, ng naturang lungsod.
Sa ulat, nagsagawa ng anti-drug operation ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Group makaraang makakuha ng impormasyon sa iligal na operasyon ng dalawang suspek.
Ikinasa ang operasyon sa tapat ng gate ng Villa Magdalena 3, Brgy. 172. Unang nakuha sa posesyon ng mga suspek ang isang bag na naglalaman ng mga brick ng marijuana. Nang puntahan ang inuupahang apartment ni Manilag, nadiskubre ang bulto-bultong pinatuyong marijuana sa loob ng unit na ginawang imbakan ng mga suspek.
Sa ulat, tinatayang nasa 18 stokes at 28 bricks ng marijuana ang nakumpiska na aabot sa timbang na 60 kilo at isang timbangan na gamit naman sa pagre-repack nito.
Tikom naman ang bibig ng mga suspek kung saan nanggaling ang naturang iligal na droga.
Itinanggi rin ng may-ari ng apartment na alam niya na ginagawang imbakan na ng marijuana ang kanyang pinauupahang unit dahil sa mukha naman umanong disente ang suspek na umuupa sa kanya.