MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela na nasa 400 bagong mga silid-aralan ang kanilang itatayo sa lungsod sa loob ng susunod na dalawang taon upang mapaluwag ang mga paaralan kasabay ng tumataas na populasyon ng mga mag-aaral.
Sa ulat ng City Engineering Office, nasa 15 pampublikong elementary at high school buildings sa lungsod ang nakaiskedyul na area sa konstruksyon ngayong 2014 at 2015. May kabuuan umanong 435 silid-aralan ang naturang mga gusali. Sa oras na maganap ito, makakamit umano ng lungsod ang pinaka-ideyal na “pupil-to-classroom ratio” na 1:45.
Kasalukuyan, nasa 54 silid-aralan na ang natatapos at nabuksan nitong buwan ng Agosto. Kabilang dito ang “state of the art” na Valenzuela School of Mathematics and Science sa Brgy. Malinta; tatlong palapag na gusali sa Apolonia Rafael Elementary School sa Brgy. Mapulang Lupa; apat na palapag na gusali sa Malinta National High School sa Brgy. Malinta; at tatlong palapag na gusali sa Sitero Francisco High School sa Brgy. Ugong. Sa kabuuan kasama ang mga bagong gusali, may kabuuang 1,489 silid-aralan sa buong lungsod na maglalaman ng 141,814 mag-aaral.