Kami ang na-bully – Lee, Cornejo

MANILA, Philippines — Ikinalungkot ng kampo nina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at Simeon Raz ang kahilingan ni TV host Vhong Navarro na mag inhibit sa kaso ang isang hukom ng Taguig court kaugnay ng serious illegal detention.

Sinabi ng abogadong si Howard Calleja na hiniling ng kampo ni Navarro sa Taguig Regional Trial Court 271 na mag-inhibit si Judge Paz Ezperanza Cortes matapos payagang makapag-piyansa sina Lee, Cornejo at Raz.

"It is very unfortunate because yung inhibition ay only because of one resolution. E kung titingnan naman natin, yung ibang mga resolution ay hindi pabor sa amin," pahayag ni Calleja sa kanyang panayam sa dzMM kagabi.

Inanunsyo kagabi ni Cortes na bibitawan na niya ang kaso upang mapanatili aniya ang kanyang kredebilidad.

Nangangamba rin si Calleja na baka ipa-inhibit ng kampo ni Navarro ang lahat ng hukom na hahawak ng kaso kapag hindi pabor sa TV host ang bawat hatol.

"Hindi dahil hindi ka masaya sa resolution ng judge e ipapa-inhibit mo agad ... E pa'no kung yung bagong judge yung kanilang motion for recon ay hindi rin papaboran, ipapa-inhibit mo rin? E mauubos ang judges natin d'yan.”

Samantala, dinepensahan din ni Calleja ang kanilang kampo mula sa mga batikos na binayaran daw nila si Cortes upang payagang makapag-piyansa.

"Kami ang na-bully," pahayag ni Calleja.

Sinabi naman ng kampo ni Navarro na hindi indikasyon na guilty si Cortes sa pag-inhibit sa kaso.

"Si Judge Cortes, I have high respect for her, sa katotohanan lang. And I have heard good things about her," pahayag ng abogadong si Alma Mallonga sa hiwalay na panayam sa dzMM.

"Inhibition is not an admission that you did anything wrong."

Show comments