MANILA, Philippines – Agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang 59-anyos na ama matapos na siya ay dalawang beses na saksakin ng kanyang sariling anak na kanyang ginising para utusan na maglaba sa Pasig City kahapon.
Ang biktima na ginagamot sa Rizal Medical Center (RMC) ay nakilalang si Arturo Sosa, ng Block 2, Lot 23, Benedict St., Barangay Kalawaan, Pasig City.
Nakakulong naman ngayon sa Pasig City lock-up jail ang anak na suspek na si Paolo Sosa, 18, motorcycle designer.
Ayon sa report, ang pananaksak ay naganap dakong alas-2:00 ng hapon sa tapat ng tahanan ng mag-ama.
Sa imbestigasyon ni PO3 Al Alvarez ng Station Investigation and Detection Management Branch ng Pasig PNP, sinasabing mahimbing na natutulog ang suspek nang gisingin ng kanyang ama para utusan na maglaba ng kanilang maruming damit.
Sa panig ng suspek ay sinabing naalimpungatan umano siya dahil sa biglaang paggising sa kanya ng kanyang ama, kaya niya ito nagawang saksakin ng dalawang beses.