MANILA, Philippines - Nagpatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo ang ilang kompanya ng langis na epektibo ngayong araw na ito (Sept. 23).
Alas-12:01 ng madaling-araw nagpatupad ang Pilipinas Shell ng pagbawas sa presyo ng P0.25 kada litro ng kerosene at P0.20 kada litro naman sa diesel. Habang nagtaas naman sa presyo ng gasolina ng P0.15 kada litro.
Nabatid na naunang nagpatupad ng dagdag bawas ang Flying V kahapon, kung saan tumaas ng P0.20 kada litro ang kanilang gasolina, habang nag-rollback naman sa krudo at kerosene ng P0.20 kada litro.
Sinabi ng Pilipinas Shell, ang pagtaas sa presyo ng gasolina ay bunsod ng paggalaw ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Samantalang, ang iba pang oil companies ay hindi pa nag-aabiso ng dagdag bawas sa kanilang produkto at inaasahang susunod na rin ng kahalintulad ding halaga na ipinatupad ng Pilipinas Shell at Flying V.