MANILA, Philippines – Matagal nang dapat na nagkasundo sina Derek Ramsay at misis nitong si Mary Christine Jolly-Ramsay kundi umano sa pagtutol ng ilan sa kampo ng aktor.
Ito naman ang tila paninisi ng mga malalapit na kaibigan at kamag-anak ni Ramsay sa gusot na kinasangkutan ng aktor matapos itong sampahan ng kasong paglabag sa RA 9262 o ang batas na nagpaparusa sa mga taong nang-aabuso ng mga karapatan ng mga kababaihan at mga bata.
Ayon sa ilang mapagkakatiwalaang source, hindi na aniya dapat pang tatagal ang pagkakasundo ng aktor at kanyang misis kung hindi tinututulan ng ilan ang pagpasok ng mag-asawa sa isang kasunduan. Nais umanong makisawsaw ng ilan sa kontrobersya sa pagitan ng mag-asawa.
Lumilitaw sa pahayag ng ilang source na kalahati diumano sa settlement money o mapagkakasunduang halaga ng suporta ni Derek sa kanyang anak at asawa ay pakikinabangan ng ilan kabilang na dito ang umano’y mahigit P250 milyong inaasahang tatanggapin ni Ramsay sa isang istasyon ng telebisyon sa sandaling pumirma ulit ito ng 2-taong kontrata.
Setyembre 18 nang nagkita sa tanggapan ni Makati Prosecutor Erwin Dimayacyac sina Derek, Jolly at ang kanilang anak na si Austin upang pag-usapan ang kasunduang magtatakda ng suporta ng ama sa kanyang mag-iina.
Ayon kay Dimayacyac, maganda ang naging usapan ng mag-anak hinggil sa kustodiya, citizenship at suportang pinansyal ni Ramsay sa kanyang anak at asawa.
Sa Setyembre 25 muling maghaharap ang mag-iina sa piskalya.