MANILA, Philippines - Isang pulis ang sinibak sa tungkulin matapos umano nitong kotongan ng malaking halaga ang mga misis ng dalawang preso kamakalawa sa Pasay City. Kahapon ay agad na ipinag-utos ni Senior Supt. Melchor “Batman“ Reyes, hepe ng Pasay City Police kay Chief Inspector Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Unit ang pagsibak kay PO2 Ponciano D. Belicario, nakatalaga sa SIDMU detention cell.
Ayon pa kay Reyes, agad din niyang ipinag-utos ang pagsasampa ng kasong administratibo laban kay Belicario upang tuluyan na itong mapatalsik sa tungkulin kung mapapatunayan na ito’y nagkasala.
Nabatid na nagsumbong kay Chief Insp. Goforth sina Rodora Lumauig, 32; at Jesusa Roaring, 36, matapos umano silang hingan ni Belicario ng tig-P25,000 kapalit ng paglaya ng kanilang mga asawa.
Kinausap umano ni PO2 Belicario ang mga misis ng dalawang preso na sina Alejandro Mallilin, 39; at Jose Roaring, 37, na nakakulong sa SIDMU detention cell kaugnay sa kasong qualified theft. Sinabi umano ni Belicario sa dalawa na matutulungan niya ang mga ito na ayusin ang kanilang kaso sa Prosecutor’s Office kahit wala umanong piyansa ang kanilang kasong kinakaharap basta’t maghanda ang mga ito ng P40,000 bawat isa.
Tinawagan umano ni Alejandro at Jose ang kani-kanilang mga asawa at sinabi ang umano’y alok na tulong ng pulis. Nang dalawin nina Rodora at Jesusa ang kani-kanilang asawa noong Sept. 12, dakong ala-1:30 ng hapon ay dala na rin ng mga ito ang mga dokumentong kailangan katulad ng Barangay Clearance, at sketch ng kanilang bahay, at ang tig-P40,000 para makapagpiyansa ang kanilang mga asawa.
Matapos makausap ni Belicario ay nagpasya umano sina Rodora at Jesusa na ibigay muna nila ang tig-P25,000. Nang maibigay na ng mga ito ang nasabing halaga ay nagsabi sa kanila ang pulis na hintayin na lamang sila sa tanggapan ng SIDMU at aayusin ang mga papeles ng kanilang mga asawa.
Lumipas ang gabi ay hindi na muling bumalik si PO2 Belicario hanggang sa napilitan na silang magsumbong kay Goforth.