MANILA, Philippines - Tatlong bumbero ang naospital makaraang makaranas ng pagkahilo matapos ma-suffocate sa inaapula nilang nasusunog na pabrika ng tsinelas sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon kay Superintendent Jesus Fernandez, city fire marshal, ang nasunog na pabrika ay ang NSR Rubber Corp. na matatagpuan sa kahabaan ng Mendez St. sa? Brgy. Baesa sa lungsod.
Ang naturang pabrika ay pag-aari ng isang Oscar Mendez. Ang mga bumberong naapektuhan ng usok ay sina Insp. Carme Lito Dionela, SFO1 Rio Francisco at FO1 Jess Dagupan, pawang mga nakatalaga sa Bahay Toro fire station.
Sinasabing ang mga bumbero ay nahilo makaraang ma-suffocate sa usok habang inaapula ang naglalagablab na apoy sa naturang pabrika ng walang suot na gas mask.
Ayon kay SFO1 Francisco, sinusubukan na nilang apulahin ang apoy na nasa ikalawang palapag ng pabrika nang biglang umatake ang makapal at maitim na usok, sanhi para makaramdam sila ng pagkahilo, hanggang sa mawalan ng ulirat.
Agad din silang tinulungan ng rescue team at dinala sa Quezon City General Hospital, kung saan nilapatan ng paunang lunas.
Nagsimula ang nasabing sunog sa may laboratory area ng nasabing warehouse, ganap na alas-11:06 ng umaga.
Dahil pawang mga materyales sa paggawa ng goma ang laman ng warehouse, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa lamunin ang buong pabrika.
Umabot sa Task Force Charlie ang alarma ng sunog na idineklarang fire out ganap na alas-2:20 ng hapon.
Tinatayang aabot sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog habang patuloy na inaalam ang sanhi nito.