MANILA, Philippines – Narekober na ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa pang sasakyan na ginamit sa kontrobersyal na insidente ng hulidap na kinasangkutan ng mga pulis sa kahabaan ng EDSA, Mandaluyong City, noong September 1, 2014.
Ayon kay QCPD deputy director For Operation Police Senior Supt. Procopio Lipana, ang sasakyang Honda Civic na may plakang ZJB-149 na kasama sa nakunan ng footage na ipinakalat sa isang social networking site ay narekober sa isang auto repair shop sa Chopin St., Greenville Subdivision, Quezon City.
Sabi ni Lipana, bago ito, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa naturang sasakyan na dinala sa naturang lugar para ipakumpuni.
Agad nilang pinuntahan ang lugar para kumpirmahin ang report at nang mag-positibo ay kanila itong narekober.
Ayon sa pahayag ng caretaker ng auto shop na si Arnold Reyes, ang nasabing sasakyan ay dinala sa kanila ng isang Marco Polo noong September 2, 2014, para ipagawa. Hindi umano alam ni Reyes ang nabanggit na sasakyan ay nagtataglay ng katulad na plaka ng Honda Civic na nakita sa viral video ng kontrobersyal na ‘EDSA kidnap’, dahil dito ay agad siyang nagbigay ng pahayag na susuko at i-turn over ang sasakyan.
Sa beripikasyon ng PNP highway patrol group (HPG) motor vehicle clearance office (MVCO), lumitaw na ang naturang sasakyan ay nakarehistro sa Golden Arches Development Corporation na may business address sa Paseo de Roxas, Makati City. Hindi naman ito kabilang sa listahan ng nawawalang sasakyan.
Ayon naman kay QCPD director Chief Supt. Richard Albano, malaki ang tulong ng pagkakarekober sa sasakyan dahil mapapagtibay nito ang kasong iniuugnay sa mga sangkot na pulis.