MANILA, Philippines – Lasug-lasog ang isang electrician matapos mawalan ng balanse at mahulog habang nagkukumpuni sa ika-anim na palapag ng isang ginagawang gusali sa Pasay City, kahapon ng madaling-araw.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Joaquin Alfonso, 42, ng Imus Cavite sanhi ng pagkabasag ng bungo nito at pagkabali-bali ng katawan.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Cris Gabutin, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente ala-1:30 ng madaling-araw sa AMIO Builders na may walong palapag, na matatagpuan sa Conrad Manila, panulukan ng Block 2 Central Business Park ng lungsod na nabanggit.
Kasalukuyang nasa ikaanim na palapag ng naturang gusali ang biktima at nakasampa ito sa hammock (duyan) upang maglagay ng mga kawad ng kuryente nang biglang mawalan ng balanse, dahilan upang mahulog ito at bumagsak sa ikalawang palapag na may mga bakal.
Agad namang isinugod ang biktima ng kanyang mga kasamahan sa nasabing pagamutan, subalit makalipas ang ilang minuto ay binawian din ito ng buhay.
Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa naganap na insidente at inaalam di nila kung mayroon naganap na foul play sa pagkamatay ng naturang biktima.