Bebot timbog sa ilegal na droga

MANILA, Philippines -  Dalawang babae, kabilang ang isang menor-de-edad ang dinakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang makuhanan ng may 150 gramo ng shabu sa ginawang buy-bust operation sa Cubao, Quezon City, iniulat kahapon.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr., ang mga suspek na sina Anjanette Matus, 41, at isang alyas Mita, (Jolina Caintapan), 15, na residente ng Cangatba, Porac, Pampanga.

Ganap na alas-8:30 ng gabi nang arestuhin ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA-RONCR) ang mga suspek sa loob ng isang kilalang fastfood chain sa New Farmers Plaza,Cubao.

Dito ay nagkunwaring bi­bili ng iligal na droga ang isang PDEA agent sa mga suspek kung saan nang magpalitan ng items ay saka dinampot ng nakaantabay na mga operatiba ang mga huli.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 150 gramo ng shabu na naka­lagay sa kulay pink na printed sling bag, isang cellphone, isang identification card at P1,000 buy-bust money.

Si Matus ay pansaman­talang nakapiit sa PDEA-RO-NCR habang ang menor-de-edad ay dinala naman sa pangangalaga ng Quezon City Children and Women Welfare Office (QCWWO).

Kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) in relation to section 26b (conspiracy to sell), article II ng Republic act 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002 ang isa­sampa laban kay Matus.

Sabi ni Cacdac, bagama’t menor-de-edad ang isang suspek, criminally liable umano ito sa ilalim ng R.A. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na kapag ang korte ay napatunayang may nala­laman siya sa pagbebenta ng iligal na droga.

 

Show comments