MANILA, Philippines - Naalarma at kaagad na nagsilikas ang ilang residente ng Marikina City matapos na tumaas ang antas ng tubig sa Marikina River kahapon ng madaling-araw dahil sa malakas na pag-ulan na dulot ng pananalasa ng bagyong Luis.
Ayon sa Marikina Public Information Office, dakong alas-4:55 ng madaling-araw nang umabot sa 17.5 metro ang lebel ng tubig sa ilog, na malapit na sa spilling level na 18 metro, kaya’t itinaas na ang ikatlong alarma.
Dahil dito, ilang residente na ang kusang nagsilikas upang makaiwas sa disgrasya sakaling tumaas pa ang tubig sa ilog.
Ngunit nang tumigil ang pag-ulan dahil sa unti-unti nang paglabas sa bansa ng bagyo ay unti-unti na rin namang bumaba ang antas ng tubig.
Pagsapit ng alas-11:00 ng umaga ay ibinaba na sa ikalawang antas ang alerto sa ilog matapos humupa sa 16.4 metro ang water level.
Dakong ala-1:55 ng hapon naman nang ianunsiyo ng Marikina PIO ang pagbaba pa ng tubig sa 15.5 metro ngunit anim pa sa walong flood gates ng Rosario Weir ng Manggahan Floodway ang nanatiling bukas.
Inaasahan namang dahil sa pagtigil ng ulan ay lalo pang bababa ang antas ng tubig at magsisibalikan na sa kani-kanilang tahanan ang mga nagsilikas na residente.