MANILA, Philippines – Maaari nang makakuha ng mga importanteng dokumento ang mga residente ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) nang hindi pumupunta ng Quezon City sa pagbubukas ng satellite office ng National Statistics Office sa loob ng Caloocan City Hall compound.
Sa inagurasyon ng Philippine Statistics Authority satellite office (dating NSO), inimbitahan ni Mayor Oscar Malapitan hindi lang mga residente ng Caloocan ngunit maging mga taga-karatig lungsod ng Malabon, Valenzuela at Navotas na sa naturang opisina na lakarin ang kanilang mga hinahanap na dokumento sa city hall.
Makatitipid pa umano sa pamasahe at abala sa matinding trapiko ang mga kukuha ng sari-saring dokumento tulad ng “birth certificate, death certificate, marriage contract” at iba pa.
Nabatid na dati nang may tanggapan ang NSO at maging ang National Bureau of Investigation (NBI) na nagpo-proseso naman ng NBI Clearance sa lungsod ng Caloocan ngunit nagsara noong panahon ng dating administrasyon.
Nabatid na binago ang pangalan ng NSO sa PSA sa pamamagitan ng Philippine Statistical Act of 2013 na sanhi ng reorganisasyon ng NSO, Technical Staff of the National Statistical Coordination Board, Bureau of Agricultural Statistics, at ang Bureau of Labor and Employment Statistics sa iisang ahensya na lamang.