MANILA, Philippines – Lusot na sa ikalawang pagbasa ng konseho ng Maynila ang pagbibigay ng birthday gift sa mga senior citizen.
Ang ordinansa na inihain ni Manila 4th District Councilor Edward Maceda ay umani ng suporta mula kay Manila 3rd District Councilor Bernie Ang na chairman ng Committee on Appropriations at iba pang konsehal.
Ayon kay Maceda, karapatan ng mga senior citizen na mabigyan ng birthday gift upang maramdaman nila ang pagpapahalaga ng lungsod ng Maynila.
Batay sa ordinansa, maglalaan ng P30 milyon para sa pamamahagi ng birthday gift sa mga senior citizen.
Ang bawat senior citizen ay makakatanggap ng P300 na birthday gift. Umaabot sa 100,000 ang mga senior citizen sa Maynila.
Inaasahan namang maipatutupad ang pamamahagi ng birthday gift sa Marso 2015 dahil isasama ito sa budget ng city government na aaprubahan naman ng Department of Budget and Management.