MANILA, Philippines – Ayokong umabot pa sa pagbabarilan!
Ito naman ang binigyan-diin ni Manila Mayor Joseph Estrada kung kaya’t inaprubahan niya ang rekomendasyon ng Traffic Management Council na alisin ang truck ban.
Ayon kay Estrada, hindi umano malayong magkaroon ng gulo sa pagitan ng Task Force Pantalan at mga enforcers ng city government kaugnay sa problema sa port congestion at sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Hindi naman umano maaaring isakripisyo ang kapakanan ng mga enforcers na hindi naman regular na sumasahod sa lungsod subalit tumutulong sa problema sa trapiko.
Lumilitaw din na karamihan sa mga truck na dumadaan sa Maynila ay pagmamay-ari ng mga retirado at aktibong heneral ng Philippine National Police (PNP) kaya pursigido ang mga ito na alisin ang truck ban.
Nakakalungkot lamang isipin na ginagamit pa ng mga heneral ang kanilang impluwensiya upang kontrahin ang ipinatutupad na truck ban bilang tugon naman ng city government sa matinding trapiko.
Dapat aniyang imbestigahan ito ng national government kung nais ng mga ito na maresolba ang port congestion.
Para naman kay Vice Mayor Isko Moreno, ang batas ay dapat na ipinatupad sa lahat dahil kung magpapatalo ang pamahalaan sa kahilingan ng mga negosyante at ilang sektor, hindi na kailangan pa ang pamahalaan.
Ayon kay Moreno, titingnan nila ang magiging sitwasyon at bibigyan nila ng pagkakataon ang national government na solusyunan ang port congestion, habang ipatutupad pa rin nila ang ibang bahagi ng ordinansa.
Prayoridad pa rin nila ang kapakanan ng Manilenyo na matagal nang nagtiis at ngayon ay umaasa ng pagbabago.
Sinabi naman ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Logica na handa pa rin silang tumulong sa national government dahil iisa lamang ang kanilang mga layunin.