MANILA, Philippines - Tuluyan nang tinanggal ni Manila Mayor Joseph Estrada ang truck ban sa lungsod upang masolusyunan ang umano’y port congestion na palaging isinisisi sa kanila ng mga truckers at ilang sector.
Batay sa Executive Order No. 67 na pinirmahan ni Estrada kahapon ng umaga, nakasaad dito na ‘indefinite’ ang pag-aalis ng truck ban upang bigyan daan ang sinasabing problema sa pantalan sa Maynila.
Alas-12 ng tanghali kahapon ipinatupad ang pag-aalis ng truck ban.
Kasama si Vice Mayor Isko Moreno at buong puwersa ng city council, sinabi ni Estrada na dapat nang asahan ng publiko ang labu-labong daloy at pagsisikip ng mga sasakyan anumang oras. Hindi rin umano malayong dumoble ang bilang ng mga aksidente dahil dito.
Iginiit nito na matagal nang may port congestion bago pa man nila ipinatupad ang truck ban noong Pebrero.
“Matagal na pong may port congestion. Hindi po truck ban ang sanhi nito. Mabuti nga po ngayon ay alam na ng taumbayan ang problema ng port congestion,” ani Estrada.
Bagama’t hindi na manghuhuli ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau at Manila Police District, handa pa rin umano ang city government na tumulong sa national government kung kinakailangan.
Ayon naman kay Moreno, nakakapanghinayang lamang na mas maraming Manilenyo ang apektado para lamang sa mga pansariling interes ng iilang mga negosyante.
Pangunahing apektado dito ang mga residente, estudyante, empleyado at maging ang mga maliliit na motorist at commuters. Maraming Manilenyo ang natuwa nang mabawasan ang masikip na daloy ng trapiko dahil sa ipinatupad na truck ban.
Niresolba ni Estrada ang problema sa trapiko sa Maynila matapos na tawaging ‘Gates of Hell’ ni Dan Brown ang lungsod. Subalit sa pag-aalis ng truck ban posibleng muli itong mangyayari.
Hindi umano maikakaila na lumuwag na ang Maynila kung kaya’t patuloy pa rin ang kanilang pag-aaral sa sistema upang mas mapabuti ito kasabay ng pagbibigay sa kahilingan ng mga truckers. Pinag-iingat na lamang ni Moreno ang mga motorist, commuters at publiko.
Aniya, walang hiniling ang mga truckers na hindi ibinigay ng city government. Kabilang na dito ang window hour, express trade lane, 24-hour trade lane at ang pagkakaroon ng 2-lane, sa kabila ng lahat ng ito ay sila pa rin ang sinisisi .
Sinabi ni Estrada na ipinauubaya na niya sa national government at Task Force Pantalan ang sitwasyon upang maiwasan na rin ang anumang conflict sa ipinatutupad na sistema.