MANILA, Philippines - Ipapatupad na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ‘one truck lane policy’ sa kahabaan ng Katipunan Road ngayong araw na ito (Sabado, Sept. 13).
Nabatid, na simulang ipinatupad ng MMDA ang ‘one truck lane policy’ sa kahabaan ng C-5 Road noong Setyembre 1 na ngayon nga ay pinalawig na rin sa kahabaan ng Katipunan Road.
Ayon kay Atty. Emerson Carlos, Assistant General Manager ng MMDA, dahil sa naturang polisiya, isinara ang apat na u-turn slot sa may area ng Aurora Flyover at C.T. Garcia.
Matatandaan, na naunang isinara ng MMDA ang pitong u-turn slots nang simulang ipatupad ang naturang patakaran.
Nabatid na sa naturang polisiya, exclusive ang truck lane kapag window hours simula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Pero kapag umiiral ang truck ban, maaari namang dumaan ang ibang sasakyan sa innermost lane.