MANILA, Philippines - Isang ospital sa lungsod Quezon ang inireklamo ng magulang makaraang matuklasang nawawala ang laman-loob ng bangkay ng kanilang anak na babae na nasawi rito dahil sa sakit na pelvic tuberculosis, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ang insidente ay nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang mga magulang ng nasawing si Nerissa Buatis, 24, ng Montalban, Rizal, upang ireklamo ang pamununan ng Quirino Memorial Medical Center dahil sa pangyayari.
Sa salaysay ni Aling Wenifreda, 56, nanay ng biktima, kay PO3 Erickson Isidro, imbestigador, September 11, 2014 nang mabatid nila mula sa inupahang Funeraria na nawawala ang lamang-loob at utak ng kanilang anak matapos na kunin ang bangkay nito sa morgue ng ospital.
Sabi ni Aling Winifreda, August 23, 2014 nang kanilang dalhin sa ospital ang anak kung saan ito naratay dahil sa sakit na pelvic tuberculosis. Pero, September 10, 2014 ay binawian na ito nang buhay sa ospital.
Ipinakuha nila ang mga labi ng anak sa inupahang punerarya sa ospital nitong Sept. 11, para sa maayos na pagburol.
Ganap na alas-6 ng gabi ay nagpunta umano sa bahay nila Aling Winifreda ang may-ari ng punerarya at sinabing walang lamang- loob ang bangkay ng kanilang anak na galing sa ospital.
Dahil dito, agad na pinuntahan ni Aling Winifreda ang punerarya para malaman kung totoo hanggang sa mabatid na puro dyaryo ang laman ng katawan ng bangkay ng anak at nawawala na rin ang utak nito.
Sa puntong ito, nagdesisyon ang pamilya na magpunta sa ospital para malaman kung bakit ganoon ang nangyari sa bangkay ng anak, subalit hindi anya sila hinarap ng sinumang opisyal sa QMMC.
Dagdag ni Aling Winifreda, ang isang doktor umano na tumingin sa anak ay sinabihan silang ipa-autopsy nila ito para mapag-aralan nila kung meron pang ibang sakit na sanhi ng ikinamatay ng kanilang anak.
Napapayag naman anya sila nito, dahil sa pagsasabi ng huli na concerned anya siya sa kanilang pamilya. Pero sinabihan din anya niya ang doktor na baka kung saan lang mapunta ang labi ng anak, at sinagot sila nito na “wag mag-alala dahil ibabalik namin ng buo ang anak ninyo, kasama ng resulta ng autopsy.”
Kasunod nito, pinapirma umano ang mag-asawang Buatis hinggil sa pagpayag nila na ma-autopsy si Nerissa at maghintay ng 24 oras para kunin ang labi nito.
Sinikap ng PSN na kunan ng panig ang ospital pero walang sumasagot sa linya nito.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente.