MANILA, Philippines - Dalawang pakete ng shabu papuntang Israel ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa warehouse ng isang express courier service sa Pasig City.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang papalabas na pakete ay naglalaman ng dalawang plastic packages na may 12 transparent plastic sachets ng shabu at tumitimbang ng aabot sa 120 grams.
Nasabat ang naturang kontrabando ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa pamumuno ni Atty. Jacquelyn de Guzman makaraang makatanggap ito ng tawag sa telepono mula sa isang courier service na nagsasabing nasa kustodiya nila ang dalawang packages ng hinihinalang iligal na droga.
Agad na nagtungo ang mga operatiba sa warehouse na matatagpuan sa Brickstone Street, Brgy. Kapitolyo, Pasig City, alas 12 ng tanghali, kung saan nakuha ang nasabing mga droga.