MANILA, Philippines - Isang bangkay ng hindi kilalang lalaki, na hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuang palutang-lutang sa isang ilog sa Pasay City kamakalawa.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, alas-6:00 ng gabi nang makatanggap sila ng ulat hinggil sa insidente sa Macapagal Bridge Boulevard ng naturang lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO1 Genomar Geraldino, ng Homicide Section, Pasay City Police, alas-3:30 ng hapon nang madiskubre ang sako na palutang-lutang sa naturang lugar. Nang buksan ay dito na tumambad ang bangkay ng lalaki na may taas na 5’2”, nakasuot ng maong na pantalon at t-shirt. Nakatali rin ng straw ang mga kamay at paa nito.
Sa isinagawang pagsisiyasat puno ng latay ang katawan ng biktima na palatandaang pinahirapan ito nang husto bago tuluyang pinaslang.
Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD), walang nakuhang pagkakakilanlan sa biktima, maliban sa isang sim card ng cellphone na nakuha sa bulsa nito, na posibleng magamit na ebidensiya para sa imbestigasyon. Ang bangkay ng biktima ay nakalagak ngayon sa Rizal Funeral Parlor.