MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang barangay tanod matapos itong barilin ng isa sa dalawang kalalakihan, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City. Kasalukuyang ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo ang biktimang si Amos Ilagan, 53, residente ng Brgy. 3, Sangandaan ng nasabing lungsod.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO2 Cesar Garcia, ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-6:30 ng gabi sa panulukan ng A. Mabini at Villa Gutierrez Sts., Brgy.3, habang ang biktima ay nakatayo sa naturang lugar nang bigla na lamang lapitan ng dalawang suspek at isa dito ang bumunot ng baril hanggang sa pinaputukan sa ulo ang una.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek na naglalakad lamang at ang biktima naman ay dali-daling isinugod sa naturang pagamutan ng ilang taong nagmamalasakit. Iniimbestigahan pa ang naturang insidente.