Brgy. kagawad, inaresto sa rape at pambubugaw

MANILA, Philippines - Sa halip na serbisyo at proteksiyon para sa constituents, nagawa pa umanong isadlak sa masamang gawain at gawan ng kahalayan ang dalawang dalagita ng isang ba­rangay kagawad na inaresto sa kasong rape at human traf­ficking  sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa.

Nakapiit na sa Manila Police District-Women and Children Protection Unit  ang suspek na kinilalang si  Arturo Garcia, 53, kagawad ng Brgy. 373, Zone 37, District 3,  ng Sta. Cruz, Manila.

Kasunod ito ng reklamong   idinulog ng mga biktimang itinago  sa pangalang “Honey” at “Che”, kapwa 14-anyos at kapwa residente sa   Karapatan St., Sta. Cruz, Manila.

Sa naging salaysay ni Honey, kasama ang tiyuhin na si Jayson Galarde, 30, siya umano ay ibinugaw ni Garcia  sa isang American national sa halagang P7,000 nitong nakalipas na Miyerkules (Setyembre 10), at matapos umano siyang makipagtalik sa dayuhan sa isang hotel sa Sta. Cruz, Maynila ay ibinigay lamang sa kanya ng suspek ay P4,000 at ang P3,000 ay kinuha umano ng suspek bilang komisyon.

Batay naman sa sumbong ni Che, siya umano ay isinama ng suspek sa isang hotel sa Pasay City at doon siya nito pinagsamantalahan. Dahil sa pagsusumbong ng magkaibigan sa isang barangay kagawad din, naaresto ang suspek na kagawad at dinala sa MPD headquarters.

Sakaling magpositibo ang medical examination ng mga complainant, masasampahan ng kasong rape at child trafficking ang nasabing opisyal ng barangay.

Samantala, sa depensa ng suspek, sinabi niya na hindi totoo ang mga paratang ng dalawang menor-de-edad.

“Hindi ko ginalaw yung bata, sa totoo lang nakaka-text ko nga siya, hanggang doon lang yun pero walang nangyayari sa amin. Dati kasi nagtatrabaho siya sa club, nagsasayaw dun sa Hermosa, kaso mahigpit daw ngayon nahuhuli siya dahil walang permit, menor-de-edad, minsan nga humihingi ng tulong sa akin,” ani Garcia.

“Dun naman sa isa, gusto niya nga may mga makilala siya maging kaibigan. Palagi naman siya nasa labas kahit hatinggabi, pakalat-kalat at hindi ako nagbugaw sa kaniya. May mga anak ako tatlo at may babae din akong anak. Kung ano man ang ginawa niya siya ang may gusto nun, labas ako dun. Kaso ang nagpu-push na makasuhan ako yung mga kalaban namin sa pulitika. Lahat ng bagay na magdidiin sa grupo naman na pawang incumbent ng barangay gusto nila maipit. Nagkasundo na kami ng mga magulang nung dalawang bata, ayos na yun kaso gusto ng kalaban namin na maipit pa ako kasi tinalo namin sila noong nakaraang eleksiyon,” dagdag pa nito.

Show comments