MANILA, Philippines - Isang Chinese national ang dumulog kahapon sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) matapos umanong makatakas sa mga dumukot sa kanya sa bahagi ng Caloocan City, at dinala sa isang tila bukid na lugar sa bahagi ng North Luzon, kahapon ng madaling- araw. Sa pamamagitan ng kasamang interpreter, naikuwento ng biktimang si Lim Han Zhang, 43, ng Quiapo, Manila ang ginawang pagtangay sa kanya ng tatlong lalaki, kung saan siya sapilitang isinakay sa isang sasakyan dakong alas-4:00 ng madaling-araw kahapon habang papaakyat umano siya sa LRT sa Monumento station.
Hindi muna idinetalye ni SPO1 Rodel Benitez ang insidente dahil sa isasagawa nilang follow-up operation at aalamin din sa kuha ng closed circuit television sa lugar kung saan dinukot ang biktima. Nanggaling umano sa isang moon cake party sa Malabon ang biktima nang papauwi ay hinihinalang inabangan siya ng mga suspek. Mula Monumento, ibiniyahe ang biktima patungo sa norte kung saan dumaan pa umano sila sa Norh Luzon Expressway (NLEX) at habang tumatakbo ang sasakyan ay hinihingan umano siya ng halagang P10-milyon ng mga suspek kapalit ng kalayaan.
Matagal umano siyang kinukumbinsi na magbigay ng nasabing halaga at kung paano ihahatid ang salapi hanggang sa pakainin siya at napagod na umano ang mga kidnaper at natulog na lamang sa sasakyan. Sa puntong natutulog ang mga suspek ay tumakas siya mula sa loob ng sasakyan at nagpagulung-gulong sa damuhan upang hindi mapansin hanggang sa makarating sa highway at nakakita ng pampasaherong bus.
Sumakay siya, gamit na pambayad ang suot na relos at ang naging katabing pasahero na babae ay pinakiusapan niya na makigamit ng cell phone kaya niya nakontak ang isa pang kaibigang Chinese na sasalubong sa kanya sa pagsakay ng taxi, upang magbayad ng pamasahe. Tadtad ng galos ang mga braso at katawan ng biktima na sanhi ng pagpagulung-gulong nito sa damo. Natagpuan na lamang ang sarili ng biktima na naglalakad siya sa bahagi ng Intramuros at nang makita ng mga pulis ay dinala siya sa MPD-GAS.