MANILA, Philippines – Sugatan ang isang agent ng Federal Bureau of Investigation (FBI) matapos pagtulungang gulpihin ng limang armadong kalalakihan na sinasabing mga security escort ng politiko dahil sa simpleng away trapiko sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Pormal na dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktimang si FBI Special Agent Lamont Siler na pansamantalang nanunuluyan sa U.S. Embassy, Manila.
Samantala, inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na lulan ng itim na Toyota Fortuner na may conduction sticker YF 8560.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City PNP, naganap ang insidente bandang alas-8:02 ng gabi sa south bound ng Roxas Blvd. may ilang metro ang layo sa Cultural Center of the Philippines.
Ayon kay Siler, lulan siya ng sasakyan ng FBI na may diplomatic plate 27549 nang masagi nito ang itim na Toyota Fortuner kung saan lumikha ng maliit na gasgas.
Gayon pa man, biglang hinarang ang kanyang sasakyan ng dalawang SUVs na back-up ng Toyota Fortuner kung saan apat hanggang limang lalaki na armado ng shotgun ang bumaba at siya ay pinalibutan.
Isa sa lima ang humila sa biktima palabas ng sasakyan habang ang isa naman ay sinuntok siya sa sikmura.
Nagpakilala naman ang biktima na isang FBI special agent sabay na ipinakita ang ID at badge.
Sa puntong ito, nagmamadaling tumakas ang mga suspek na pinaniniwalaang mga bodyguard ng kilalang politiko kung saan isinauli sa biktima ang ID.