MANILA, Philippines – Tatlo-katao na sinasabing miyembro ng notoryus na carnapping group ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya sa ilang minuto matapos na tangayin ang sasakyan ng isang pulis sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Joel Pagsibilan, 36, ng Bagong Barrio, Caloocan City; Faustino “Jun” Arceo, 34; at si Caroline “Len” Isabelo, 25, pawang nakatira sa Teachers Village, Barangay Balong Bato sa Quezon City.
Ayon sa ulat, ang tatlo ay responsable sa pangangarnap sa dalawang sasakyan nina Marinor Santiago ng Barangay Bagong-Pag-asa sa Quezon City at Ryan Asuncion ng General Tinio Street sa Caloocan City.
Base sa police report, kinarnap ng mga suspek ang Nissan Urvan ni Santiago habang nakaparada sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Bagong Pag-asa noong Martes ng gabi (Sept. 2).
Samantala, ang SUV na pag-aari ni Asuncion ay kinarnap ng mga suspek habang nakaparada sa harapan ng bahay ng may-ari sa General Tinio Street noong Agosto 24, 2014.
Nasakote ang mga suspek malapit sa elementary school sa nasabing barangay noong Miyerkules ng gabi.
Nasamsam sa mga suspek ang isang granada, dalawang fliers, tatlong chisel , baril, shotgun, mga bala, at iba’t-ibang uri ng susi ng sasakyan.