MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang binata matapos itong saksakin ng isang binatilyo nang mabangga ng biktima ang girlfriend ng suspek sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang ginagamot sa Quezon City General Hospital sanhi ng saksak ng ice pick sa likod ang biktimang si Ramon Christopher Soriano, 26, ng Rivera St., Sta. Quiteria ng nasabing lungsod.
Nakakulong naman ang 15-anyos na suspect.
Sa imbestigasyon ni P01 Richmon Mataga, ng Caloocan City Police, alas-11:30 ng gabi, nabangga umano ng lasing na biktima ang nobya ng suspek sa Camp 69 St., Sta. Quiteria ng nasabing lungsod na naging dahilan upang magsumbong ito sa nobyo.
Sinita ng suspek ang biktima na naging dahilan upang mauwi ang mga ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa dumating ang dating ka-live-in ni Soriano na si Melanie Lavapie at inawat ang mga ito.
Subalit, pagtalikod ng biktima ay bigla na lamang bumunot ng ice pick ang suspek at tinarakan sa likod si Soriano na naging dahilan upang dalhin ito sa naturang pagamutan habang kusang isinuko ng kanyang kuya sa mga pulis ang binatilyo.