MANILA, Philippines - Nagmistulang isang malaking parking lot ang kahabaan ng North Luzon Expressway mula Malinta Exit sa Valenzuela City hanggang Balintawak at diretso sa A. Bonifacio Avenue, at maging ang ilan pang pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila dahil sa pagdagsa ng napakaraming mga truck.
Dahil dito, umani ng batikos kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa mga motorista.
Binatikos nila ang pagpapatupad ng one-truck lane policy na siyang naging dahilan nang pagsisikip ng mga lansangan.
Nabatid na sa bagong patakarang pinatutupad ng MMDA, sa one-truck lane policy, eksklusibong magagamit ng mga truck ang isang lane sa kahabaan ng Roxas Boulevard, C-5 Road, C-3 at R-10.
Naging bumper to bumper na at gitgitan pa ang mga sasakyan sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue dahil sa napakahabang pila ng mga truck na papasok ng C-3 Road at umabot pa ito ng sa Valenzuela Interchange hanggang sa ang tail end nito ay napakabigat na daloy ng trapiko.
Nabatid sa NLEX Traffic Management, lalo aniyang bumigat ang daloy ng trapiko, simula nang ipatupad ng MMDA ang one-truck lane policy sa A. Bonifacio Avenue.
Base sa report na natanggap ng MMDA, halos umabot ng kalahating oras ang pagkaantala ng mga motoristang bumabagtas sa naturang lugar at bago pa makalusot ang mga ito lalo’t dagsa ang mga pribadong sasakyan, provincial buses at iba pang pampublikong sasakyan mula sa hilagang bahagi ng Kamaynilaan.
Bilang alternatibong solution sa naturang reklamo, ayon kay Chris Saruca, ng MMDA Traffic Discipline Office, sinabi nitong nagpakalat na sila ng tauhan para maayos ang trapik sa nabanggit na lugar.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino na hindi sakop ng ahensiya ang A. Bonifacio Avenue na kung saan nakakaranas ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang mga motorista.
Aniya, tanging pinatupad nila ang naturang policy ay magagamit ng mga truck ang isang lane sa kahabaan ng Roxas Boulevard, C-5 Road at C-3 lamang.
“Wala pong karapatan ang mga traffic enforcer namin sa lugar na magmantina ng trapiko dahil ito po ay hindi sakop ng MMDA,” ayon pa kay Tolentino.