MANILA, Philippines - Napatay sa saksak ang isang konduktor ng isa sa dalawang barker matapos tulungan ng una ang isang pasaherong babae na hinablutan ng kuwintas ng mga suspek, kamakalawa sa Pasay City.
Dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Daniel Angeles, 31, ng Brgy. Tebag, Sta Barbara, Pangasinan, konduktor ng Five Star Bus Corporation.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na kinilala sa police photo gallery na sina Louie Lim, 34, at Benjie Tengco.
Sa report na natanggap ni Chief Inspector Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-2:15 ng hapon sa harap ng Mightee Mart Convenience Store sa kahabaan ng EDSA Avenue, ng naturang lungsod.
Kasalukuyan nakasakay ang biktima sa Five Star Bus na may rutang Pangasinan kung saan kagagaling lamang nila sa terminal ng Five Star Bus sa Aurora Boulevard, Quezon City.
Habang binabagtas ang kahabaan ng EDSA Avenue, Pasay City, pumara ang isang babaeng pasahero sabay baba naman ng nasawi para tulungan itong buhatin ang mga bagahe nito.
Paakyat na ang pasahero nang lumapit ang mga suspect at hablutin ang suot na kwintas nito. Tumulong naman ang konduktor sa pamamagitan nang pagbato sa dalang bagahe dahil dito siya ang pinagbalingan ng mga suspect at inundayan ng sunud-sunod na saksak.
Agad naman isinugod ng driver ng bus na si Meynardo Encio, 47, ang biktima sa naturang ospital, subalit hindi na umabot ng buhay.