MANILA, Philippines - Patay ang isang 28- anyos na babae matapos itong barilin ng kinakasamang pulis makaraan ang mainitang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Dead on the spot ang biktimang si Ana Nerrisa Lee, ng Aratelis St., Durian Extension, Brgy. CAA ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong dalawang tama sa ulo at katawan buhat sa .9mm pistol.
Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang suspek na si P02 Volter “Bong” Guerrero, nakatalaga sa Regional Police Holding Center ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Base sa isinagawang pagsisiyasat ni P02 Al Shahriff A Uy, ng Station Investigation Division (SIDMB), Las Piñas City Police, naganap ang insidente alas-7:25 ng gabi sa loob ng bahay na inuupahan ng dalawa sa Aratelis St., ng nasabing lungsod.
Ayon sa pahayag ng testigo unang narinig ang pagtatalo ng dalawa. Kasunod nito ang mga putok ng baril kung saan bumulagtang duguan ang biktima.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek at sa ginawang pagsisiyasat naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) naka-rekober ang mga ito ng dalawang slug ng .9mm pistol sa loob ng bahay ng biktima na posibleng ginamit ng suspek sa pagpatay. Patuloy naman ang ginagawang pagtugis sa suspect.