MANILA, Philippines - Sinampahan na kahapon ng patung-patong na kasong kriminal ng Valenzuela City Police ang isang 20-anyos na Papua New Guinean national makaraang manuntok ng isang estudyanteng Pinoy, nagwala at laitin ang lahing Pilipino, kamakailan.
Mga kasong slight physical injury, unjust vexation at alarm and scandal ang isinampa ng puliya sa Valenzuela City Prosecutor’s Office laban sa suspek na si Eric Walap, 20, estudyante ng medisina sa Fatima University at residente ng Unit 302 55 Fini Homes, Ramon Delfin St., Brgy. Marulas, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, kumakain sa isang burger stand ang information technologist na estudyante na si Heizrough Dojino, 27, dakong alas-2:30 ng madaling-araw noong araw ng Biyernes nang dumating ang suspek na si Walap na lango umano sa alak.
Pinagmumura umano ni Walap ang mga Pinoy na kumakain sa burger stand at nang mapatingin si Dojino ay agad siyang sinuntok sa dibdib ng dayuhan. Humingi naman ng responde ang mga residente sa nagpapatrulyang mga barangay tanod ngunit maging ang mga ito ay pinagmumura at tinangkang saktan ng dayuhang estudyante.
Nagawa namang mapagtulungang mabitbit sa presinto ng mga barangay tanod ang naturang dayuhan hanggang sa mahimasmasan sa pagkalasing sa loob ng istasyon ng pulisya.