Discipline ordinance, ipapatupad sa QC
MANILA, Philippines - Ipinatutupad na ngayon sa lungsod Quezon ang “Discipline Hours”, na nagtatakda ng parusa sa mga kabataan na nasa labas pa ng kanilang bahay at nagpaparusa rin sa mga magulang at guardians na nagpapabaya sa kanilang anak na mamalagi sa labas ng tahanan mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Ito ay makaraang aprubahan ng QC council ang Ordinance bilang SP 2301, S-2014 na iniakda ni Councilor Ranulfo Ludovica.
Nakasaad dito na ang mga magulang at guardians ay sasailalim sa merits counseling at multa na P2,000 o 48-oras na community service sa first offense; dalawang counseling sessions at multa na P3,000 o 72 oras na community service sa second offense at sa third offense ang minor na lumabag sa ordinansa ay ilalagak na sa social service development department ng city hall at ang kanyang mga magulang o guardian ay magmumulta ng P5,000 at anim na buwan na pagkakakulong.
Nakasaad din sa ordinansang ito na maging ang mga kabataan na kahit hindi taga-lungsod na lalabag sa ordinansa ay saklaw ng parusa.
Sa ilalim pa ng ordinansa, walang kabataan na may edad 18 pababa ang pinapayagang nasa labas pa ng kanilang tahanan sa QC o nasa mga lansangan tuwing discipline hours.
Exempted naman sa ordinansang ito ang mga kabataan na nasa labas pa ng kanilang bahay pero kasama ng kanilang mga magulang tuwing ‘discipline hours’, gayundin ang mga kabataan na nasa loob ng sasakyan pero may kasamang guardian.
- Latest