Empleyado sa Bilibid, hinostage ng preso

MANILA, Philippines - Dahil sa kagustuhang ma­kita ang kanyang nanay at kapatid, isang preso ang nang-hostage ng isang civilian employee sa loob ng medium security compound ng New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City, kahapon ng tanghali.

Inilagay na sa isolation room ng NBP ang presong si Dennis Gonzaga, 37, may kasong parricide.

Kinilala naman ang hinostage na si Susan Egana, civilian employee ng Samsun Handy Craft, tindahang pinamamahalaan ng NBP.

Sugatan naman ang da­lawa pang preso na sina Reynate Ramirez, may kasong may kinalaman sa droga at Dante Isip,  may kasong  robbery. Ang dalawa ay nasaksak ng screwdriver matapos na umawat ang mga ito kay Gonzaga.

Sa report na natanggap ni NBP Supt. Celso Bravo, naganap ang insidente alas-12:30 ng tanghali sa loob ng medium security compound ng NBP.

Nabatid na  nais makita at makausap ni Gonzaga ang kanyang ina at kapatid dahil natatakot si Gonzaga  na baka aniya siya ang pag-initan sa loob ng naturang bilangguan.

Kasalukuyan namang naroon ang biktima habang bi­nababantayan nito ang na­turang tindahan.

Dito na isinagawa ni Gonzaga ang pangho-hostage sa biktima hanggang sa tinutukan niya ito ng screwdriver.

Halos dalawang oras ang naturang hostage  at matapos makita ni Gonzaga ang kanyang  kapatid na si Thelma ay pinakawalan niya ang binihag.

Kaagad na dinakma ng mga prison guard ng NBP si Gonzaga at inaalam pa kung may problema ito sa pag-iisip.

Show comments