Empleyado sa Bilibid, hinostage ng preso
MANILA, Philippines - Dahil sa kagustuhang makita ang kanyang nanay at kapatid, isang preso ang nang-hostage ng isang civilian employee sa loob ng medium security compound ng New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City, kahapon ng tanghali.
Inilagay na sa isolation room ng NBP ang presong si Dennis Gonzaga, 37, may kasong parricide.
Kinilala naman ang hinostage na si Susan Egana, civilian employee ng Samsun Handy Craft, tindahang pinamamahalaan ng NBP.
Sugatan naman ang dalawa pang preso na sina Reynate Ramirez, may kasong may kinalaman sa droga at Dante Isip, may kasong robbery. Ang dalawa ay nasaksak ng screwdriver matapos na umawat ang mga ito kay Gonzaga.
Sa report na natanggap ni NBP Supt. Celso Bravo, naganap ang insidente alas-12:30 ng tanghali sa loob ng medium security compound ng NBP.
Nabatid na nais makita at makausap ni Gonzaga ang kanyang ina at kapatid dahil natatakot si Gonzaga na baka aniya siya ang pag-initan sa loob ng naturang bilangguan.
Kasalukuyan namang naroon ang biktima habang binababantayan nito ang naturang tindahan.
Dito na isinagawa ni Gonzaga ang pangho-hostage sa biktima hanggang sa tinutukan niya ito ng screwdriver.
Halos dalawang oras ang naturang hostage at matapos makita ni Gonzaga ang kanyang kapatid na si Thelma ay pinakawalan niya ang binihag.
Kaagad na dinakma ng mga prison guard ng NBP si Gonzaga at inaalam pa kung may problema ito sa pag-iisip.
- Latest