MANILA, Philippines - Patay ang isang opisyal ng Quezon City Police District makaraang tambangan ang minamaneho nitong kotse ng dalawa sa tatlong armadong suspek na sakay ng isang motorsiklo sa may Novaliches, Quezon City, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay nakilalang si Police Chief Insp. Roderick Medrano, nakatalaga sa Police Station 4 ng QCPD.
Ayon kay PO3 Jaime de Jesus, nangyari ang insidente sa kahabaan ng San Diego Drive, corner Zabarte Road, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, ganap na alas-7:15 ng umaga.
Bago ito, sakay ang biktima ng isang Honda City (MCH-588) kasama ang kanyang pamilya at tinatahak ang nasabing kalye nang sumulpot ang dalawang lalaki na biglang nagbunot ng mga baril at pinagbabaril ang una.
Kahit sugatan, nagawa pa ni Mendrano na makapag-maniobra pero sumalpok ito sa gate ng isang bahay.
Hindi pa nakuntento ang dalawang suspect at sinundan ang biktima na noon ay duguang sumubsob sa manibela at saka muli itong pinagbabaril. Masuwerteng hindi nasugatan ang misis at dalawang anak nito.
Matapos maisakatuparan ng mga suspek ang krimen, agad na sumakay ang mga ito sa motorsiklo ng isa nilang kasamahan na nagsilbing look out at naghihintay malapit sa lugar, saka humarurot patungong Fairview.
Habang ang duguang biktima naman ay pinagtulungang dalhin ng ilang concerned citizen at ng kanyang asawa sa San Bernardo hospital, ngunit idineklara rin itong dead-on-arrival.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa crime scene ang 21 basyo ng bala ng kalibre 9mm. Habang narekober naman sa loob ng sasakyan ng biktima ang isang kalibre 38 baril.
Sa cursory examination, lumabas na ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan na siyang ikinamatay nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.