Bangkay sa drum nadiskubre

MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na tadtad ng saksak ang nadiskubreng  nakasemento sa loob ng isang drum ang natagpuan sa isang barangay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Isinalarawan ang bangkay na nasa pagitan ng edad 30-35, nakasuot ng kulay asul na t-shirt at itim na jacket, checkered na short, at may naka-markang tattoo sa dibdib na “NOAH VANJO 128”.

Ayon kay PO3 Erickson Isidro, nadiskubre ang bangkay ng biktima sa panulukan ng Santiago Ave., at Ciriaco St., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, ganap na alas-3:35 ng madaling-araw.

Nagpapatrulya ang mga tanod na sina Joselito Aguilar at Jonathan Pelo, ng nasabing barangay nang maka-amoy ang mga ito ng masangsang na nagmumula sa isang plastic na drum na puno ng matigas na semento.

Gamit ang martilyo, binakbak ng mga tanod ang bahagi ng drum kung saan lumabas ang paa ng isang tao. Sa puntong ito, nagpasya ang mga tanod na ipagbigay alam ang natuklasan sa otoridad para sa pagsisiyasat.

Hinala ng otoridad na isinilid ang biktima sa nasabing drum at isinimento makaraang patayin, upang maitago ang krimen, subalit dahil sa umalingasaw ang amoy nito ay natuklasan din kalaunan.  

Show comments