MANILA, Philippines - Binaril at napatay ng isang mister ang kanyang kapitbahay na lalaki na nakialam sa away nila ng kanyang misis, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Bagama’t naisugod pa sa Caloocan City Medical Center idineklara na ring patay si Francisco Urbano, 46, ng Libis Espina St., ng naturang lungsod. Nagtamo ito ng isang tama ng bala sa dibdib.
Nakatakas naman at pinaghahanap ngayon ang suspek na nakilalang si Amado Casas, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ng Caloocan Police, nagtatalo at nagsisigawan ang mag-asawang Casas dakong alas-5:30 kamakalawa ng hapon sa tapat ng kanilang bahay nang makialam at umawat umano si Urbano dahil sa eskandalong nililikha ng dalawa.
Sa halip na mahiya sa ginagawa, napikon ang suspek na bumunot ng baril at pinaputukan ang kapitbahay. Tumakas ito matapos ang pamamaril.