Field trips, hinigpitan sa QC
MANILA, Philippines - Regulated na ngayon ang field trips sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa Quezon City kung saan hindi na dapat isama rito ang swimming, carnival rides, trips sa mga malls at noontime television shows.
Ito ay base sa bagong inaprubahang QC field trip policy at aktibidad na maaari lamang payagan. Hindi na puwede ang mga aktibidades na sobrang magastos.
Sa ilalim ng inaprubahang ordinansa ni QC Mayor Herbert Bautista na lumikha sa mga polisiya hinggil sa field trips , nakasaad dito na ang field trips sa Grades 1 hanggang 6 ay dapat lamang gawin sa Metro Manila maliban na lamang sa pagpunta sa mga historical sites na aprubado ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Sa ilalim ng field trip policy, ang lahat ng field trips na gagawin ng QC public schools ay dapat aprubado ng city schools division superintendent.
Nakasaad din sa naaprubahang ordinansa na iniakda ni QC Councilor Julienne Alyson Rae Medalla na ang lahat ng requests para sa field trips ay dapat mabusisi ng isang komite na inorganisa ng division of city schools.
Ang mga dokumento para sa itinerary, field trip fee at kopya ng resolution na inaprubahan ng mga opisyal at representatives ng school PTA, supreme student government at school faculty club ay dapat na isubmit sa division of city schools isang buwan bago ang planong field trip.
Kasama rin sa dokumento ang kopya ng comprehensive insurance policy ng mga sasakyan na gamit sa field trip, Certificate of Public Conveyance na isyu ng LTO at LTFRB, updated Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR) ng sasakyan, driver’s license, kontrata ng paaralan at ng mga magulang na nagsasaad na sila ay pumapayag para sa isang ligtas na field trip ng kanilang mga anak.
Ang mga susuway dito sa unang pagkakataon ay may multa na P1,000 sa alinmang school official, teacher, non-teaching school employee na mag-aapruba sa field trip ng walang written approval ng schools division superintendent.
Ganitong parusa din ang igagawad sa division school superintendent at committee members na nag-apruba ng field trip na hindi sumusunod sa itinatakda ng ordinansa.
Sa ikalawang pagkakataon ng pagsuway P2,000 ang multa at multang P5,000 at suspension sa 3rd offense.
Ang guidelines para sa implementasyon ng QC field trip policy ay dapat na naipalabas ng division of city schools na akma sa kautusan ng Department of Education (DepEd).
- Latest