‘One truck lane policy’ sa C-5, simula na bukas

MANILA, Philippines - Pitong  u-turn slots na ang isinara ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)  bilang paghahanda sa ipatutupad na one truck lane policy sa kahabaan ng C-5 Road bukas (Setyembre 1). Dahil dito, gumawa ang MMDA ng traffic signalized intersection sa may Lanuza, Greenmeadows, Calle Industria at Eastwood, samantalang  nananatiling bukas naman  ang mga u-turn slot sa may Libis, Bagong Ilog flyover at Ortigas.

Nabatid na bukas ay ipapatupad na ang one truck lane policy, ngunit   ngayong weekend ay may dry run ang MMDA.

Alas-5:00 kahapon ng umaga, nagsimula ang pagpapatupad ng dry-run sa innermost lane ng C-5 para sa bagong regulasyon dahilan upang malito ang maraming motorista, kung kaya’t nagtalaga ng mga enforcer ang MMDA sa apektadong lugar upang umalalay. Ang pagpapatupad ng one truck lane policy sa  C-5 Road ay napagkasunduan  ng Metro Manila Council dahil  na rin sa pagsisikip ng trapiko at mga aksidenteng kinasasangkutan ng truck sa mga kalsada ng Kalakhang Maynila.

Lomobo kasi ang bilang ng mga truck na bumabagtas sa C-5 Road  matapos magbigay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng provisional authority sa mga ito. Bukas, araw ng Lunes, exclusive  ang truck lane kapag window hours simula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga. Pero kapag umiiral ang truck ban, maaari namang dumaan ang ibang sasakyan sa innermost lane.

 

Show comments