Driver gulpi-sarado sa taumbayan: Inararo ng fire truck: 1 patay, 12 sugatan
MANILA, Philippines - Isang 42-anyos na vendor ang nasawi habang 12 katao pa ang nasugatan karamihan dito ay nasa malubhang kalagayan makaraang araruhin ng fire truck na nawalan umano ng preno, sa Paco, Maynila, kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat, nakilala ang nasawi na si Corazon Capambe, tindera ng gulay sa Paco market na nasagasaan at nakaladkad sa kahabaan ng A. Linao St. sa Paco, Maynila ng Southern Manila fire truck, na kulay pula ng volunteer fire brigade na nakabase sa nasabing kalye, dakong alas-3:00 ng hapon.
Maliban sa nasawi, labindalawa pa ang iniulat na nasugatan kabilang ang pitong menor-de-edad na ang pinakabata umano ay isang taong gulang.
Nakapiit na sa Manila Police District-station 5 ang suspek na driver ng nasabing fire truck na si John Mark Calica, 35 , fire volunteer, na hindi naman nakaligtas sa pambubugbog nang kuyugin ng taumbayan.
Sa naging salaysay umano ng driver, mula pa lamang sa Quirino Highway ay nawalan na siya ng preno hanggang sa umabot siya sa Pedro Gil at sa A. Linao St., kung saan nakabase ang kanilang fire truck.
Subalit sa patuloy na pagtakbo ay nagpagewang-gewang na ang truck at hindi makontrol kung saan niragasa nito ang mga taong nadaanan, ilang nakaparadang sasakyan at isang pedicab na may dalawang pasahero maging ang mga bata na nasa gilid ng kalye at palengke.
Nang mamatay ang makina at huminto ang truck, sa halip na isugod ang mga sugatan sa pagamutan ay inuna ng mga bystander na gulpihin ang driver.
Unang rumesponde naman ang mga tauhan ng Paco Police Station dahil sa mismong tapat ng kanilang presinto ay naganap ang insidente.
- Latest